PARA sa National Bureau of Investigation (NBI), malaki ang naging papel ni Senador Robin Padilla sa matagumpay na pagtakas ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, pasok sa kategorya ng “person of interest” Padilla, na posible aniyang alam kung saan naglulungga ang puganteng senador.
Batay sa pag-amin ng asawa ng puganteng mambabatas, sinamantala nina Dela Rosa at Padilla ang kaguluhan sa senado noong Miyerkules ng gabi para makalabas ng gusali.
Target dakpin ng NBI si Dela Rosa sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa panahon ng nagdaang administrasyon.
“Automatic po ‘yan pero sabi ko nga, kung meron pong unang-unang dapat tanungin, na-identify naman na si Senator Robin Padilla ‘yung kasama,” ani Matibag. “Siya po ‘yung pinaka-person of interest to shed light sa whereabouts po ni Senator Bato.”
“After noong commotion diyan sa Senate, ‘yung putukan, ang kasunod, nawala na po siya. Kung maalala ninyo po, ‘yan na nga ‘yung binabanggit ko na sentimyento ng aming mga ahente na maaaring ang naging dahilan nung paputukan na ‘yan ay para ma-divert at makaalis si Senator Bato,” anang NBI chief.
“At ‘yan naman ay kinumpirma ng kaniyang maybahay na sabi si Senator Bato took advantage noong situation na nagkaputukan para makaalis po ng Senado,” pahabol ni Matibag.
