WALANG magaganap na sesyon ang Sangguniang Panlalawigan ng Catanduanes matapos patawan ng anim na buwang “preventive suspension”
Sik Vice Governor Robert Fernandez at 11 provincial board members.
Sa kalatas ng Office of the Ombudsman, hindi rin tatanggap ng sahod mula sa kapitolyo ang mga suspendidong opisyales na nahaharap sa kasong grave misconduct at iba pang administratibong paglabag na may kinalaman sa umano’y iregular na paggamit ng P30.5 milyong Quick Response Fund (QRF) ng lalawigan.
Batay sa imbestigasyon, inamyendahan ng mga opisyal ang orihinal na plano ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa paggamit ng QRF.
Sa halip na mga produkto, P26 milyon umano ng pondo ang ginamit para sa cash assistance kasunod ng pananalasa ng Super Typhoon Uwan noong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Ang reklamo ay inihain ni Catanduanes Governor Patrick Azanza, na tumutol sa hakbang ng SP at iginiit na hindi kabilang sa Joint Circular 2013-1 ang cash assistance bilang allowable immediate response activity.
Sa desisyon ng Ombudsman na may petsang Mayo 22, nakasaad na may sapat na batayan para sa preventive suspension dahil sa “strong evidence” ng posibleng pagkakasala ng mga respondent.
Kabilang sa mga isinampang kaso ang grave misconduct, grave abuse of authority at conduct prejudicial to the best interest of the service, na maaaring magresulta sa tuluyang pagkatanggal sa serbisyo.
