SA kabila ng political tension sa Senado, kumpiyansa si House prosecutor at Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor na may mga pro-Duterte senator-judges ang matatauhan sa sandaling mailatag at mabusisi sa impeachment trial ang mga ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte.
“I’m optimistic, that if they get to see the evidence before them, baka makumbinsi din ang iba sa kanila. Katulad nung nangyari sa Kongreso na kung kailan lumabas ang ebidensya, maraming marami palang bumoto,” wika ni Defensor.
Anang Iloilo congressman, sa pagsisimula ng impeachment process ng House Committee on Justice, walang katiyakan kung ilang kongresista ang susuporta sa pagsasakdal sa bise presidente kung saan may iba pa ang nagdadalawang-isip kung dapat bang ituloy ang kanilang pagdinig.
“In fact, before the Committee on Justice hearing started, hindi ko alam kung ano ang numero na boboto pabor,” kwento ng kongresista.
“But when the Committee on Justice started the hearings and laid down the evidence based on the complaints filed, tumatag ang loob ng mga miyembro ng Kongreso para bumoto pabor sa impeachment,” dugtong ni Defensor.
Kaya naman makikita umano sa naging resulta ng plenary voting para sa binalangkas na Articles of Impeachment ang pagpabor ng 257 mambabatas, 25 lamang ang kontra at siyam na nag-abstain.
Pag-amin ni Defensor, makakaapekto sa impeachment trial ang political alliances sa Senado. Sa isang banda, totoo naman aniyang ang impeachment trial ay kapwa “legal and political in nature.”
“That is why the impeachment is not strictly a judicial process. It is a political process na kahit ang taong bayan ay pwedeng makisali at ang mga opinyon ng tao ay pwedeng mag-sway sa ating mga senador.”
