HINDI bababa sa 35,000 senior high school teachers ang posibleng mawalan ng trabaho bunsod ng Strengthened Senior High School (SHS) Curriculum ng Department of Education (DepEd).
Sa isang kalatas, nagpahayag ng pagkabahala si ACT Teacher partylist Rep. Antonio Tinio sa pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan, kung saan tampok ang bagong SHS curriculum.
Sa ilalim ng bagong curriculum, magiging lima na lamang ang core subject ng senior high school mula sa dating 15.
“This threatens to displace approximately 35,000 senior high school teachers in private schools with no government protection or retraining plans,” wika ng militanteng kongresista.
Hindi rin aniya makatwiran ang pabigatin ang trabaho ng mga guro dahil sa bagong polisiya na pinaiiral ng departamento.
Dahil aniya sa 150,000 ang bakanteng teaching positions ngayong school year, ang mga maiiwanang guro ang sasalo ng trabaho ng mga masisibak na titser.
Bukod sa posisyon ng guro, apektado rin umano ng bagong SHS curriculum ang nasa 300,000 education support personnel.
“The government has made a deliberate choice to underfund public education. Instead of addressing foundational gaps, the DepEd continues to impose additional responsibilities on teachers stretched to their limits,” ani Tinio.
Binanggit din ng mambabatas ang kakulangan sa silid aralan na pumalo na sa 145,000.
Sa huli, nanawagan si Tinio na itaas sa P50,000 ang antas ng buwanang sahod ng mga bagong guro.
“Enough is enough. Teachers have borne too much. The time for accountability and wage increases is now—our teachers and students cannot wait any longer.”
