MATAPOS ang pormal na paanyaya, hindi nag-atubili ang 18 ex-Marines na magtungo sa senado — pero hindi para sa pagdinig ng blue ribbon committee na pinamumunuan ni Senador Erwin Tulfo.
Sa isang kalatas, kinastigo ni Tulfo ang aniya’y hayagang insulto ng 18 dating sundalo matapos umano isnabin ang pagdinig ng senate blue ribbon committee at mas piniling dumiretso sa tanggapan ni Senador Robin Padilla.
“‘Yung 18 ex-bodyguards, narito po sa building na ito, nasa tanggapan po ni Senator Robin Padilla,” pahayag ni Tulfo.
“Despite po yung ating imbitasyon sa kanila na dumalo sa hearing, mas minabuti po nilang magtungo sa opisina ni Senator Robin Padilla at doon po ika nga mag-monitor,” dugtong ng mambabatas na tumatayong chairman ng blue ribbon committee sa ilalim ng new majority bloc.
Gayunpaman, itinanggi ni Padilla na dumiretso sa kanyang tanggapan ang mga dating sundalong umamin na nagtrabaho bilang taga deliver ng mga maletang naglalaman ng ‘komisyon’ ng mga opisyal ng gobyerno sa maanomalyang flood control projects.
Sa Facebook live, ipinakita ni Padilla ang bawat sulok ng kanyang opisina para patunayan na mali ang sapantaha si Tulfo.
Kalaunan naman ay sinalubong ng senador ang 18 indibidwal kasama si Atty. Levito Baligod na nakapasok na sa gusali ng Senado.
