HULI man daw at magaling, maihahabol pa rin. Ito marahil ang mensahe sa publiko ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kasunod ng paghahain ng kasong tax evasion laban kay dating Bamban Mayor Alice Guo.
Sa isang kalatas, kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso ng BIR laban kay Guo na umano’y paglabag sa Sections 254 at 255 ng National Internal Revenue Code of 1997.
Giit ng BIR, nagtangka umano ang dating alkalde takasan ang obligasyon sa pamamagitan ng hindi pagsusumite ng income tax return.
Partikular na tinukoy ng ahensya ang rekord para sa taong 2019 hanggang 2023 na may kabuuang P1.008 billion tax deficiency.
Ang pinagbatayan ng BIR — rekord ng pagdinig sa senado kung saan inamin mismo ng dating alkalde ang pagmamay-ari ng mga real property, sasakyan, at interes sa iba’t ibang pribadong kumpanya.
Natukoy din ng BIR ang assets, expenditures, at financial transactions ni Guo, kabilang ang real properties, motor vehicles, helicopter, bank transactions, shares of stock, at iba pang acquisitions.
“The Bureau concluded that Guo had undeclared income and failed to pay the corresponding income taxes due to the government,” pahayag ng BIR.
Kasalukuyang nakakulong si Guo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong matapos hatulan sa kasong qualified human trafficking noong Disyembre 2025.
