KINONTRA ng pulisya ang mga haka-haka na panibagong modus ang viral video na kinasangkutan ng isang delivery rider sa Tondo, Maynila.
Sa impormasyon na ibinahagi ni Major Phillip Ines na tumatayong tagapagsalita ng Manila Police District (MPD), nagsagawa umano ng backtracking ang pulisya base sa impormasyon — kasama ang plaka ng motorsiklo.
Dito natukoy na residente ng District 2 sa Tondo ang rider na wala naman umanong masamang rekord. Lumalabas din aniya na hindi pa nasangkot sa anumang krimen o paglabag sa batas ang hindi pinangalanang rider.
Base sa pahayag ng mga kaanak, dumaranas umano ng anxiety at depression ang rider dulot ng problema sa pamilya ilang taon na ang nakalipas.
Paniwala ng mga kaanak, lubhang nakaapekto ang problema sa kakatwang kilos ng rider na nakita sa viral video.
Batay sa kumalat na video na nakunan sa Roxas Boulevard sa Maynila, makailang ulit hinarang ng rider ang kotse na may dashcam at sinabing may babae umano sa loob ng hood ng sasakyan
Wala naman reklamong inihain ang driver ng hinarang na kotse at bigo rin ang pamilya ng rider na magpresenta ng anumang dokumento sa kalagayan ng naturang indibidwal.
Pinaubaya na ng MPD sa Land Transportation Office ang anumang karampatang aksyon sa insidente.
