PALAISIPAN para sa Philippine Sports Commission (PSC) ang pananahimik ng Ateneo de Manila University (ADMU), gayundin ang Ateneo head coach na kasama ng mga manlalaro nang mangyari ang trahedya sa lalawigan ng Aurora.
Sa isang kalatas, nanawagan si PSC Chairman Patrick Gregorio kay Ateneo de Manila University men’s basketball team head coach Tab Baldwin na humarap para magbigay linaw sa sinapit nina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity.
“Where is Tab Baldwin? Why is he still not speaking up?,” wika ni Gregorio.
“This is beyond Ateneo. This is a national concern. Out of respect for the family and the Filipino people, he has to come forward,” dugtong ng PSC Chairman.
“He has been here for 10 years. I don’t understand why he can’t understand our culture — konting respeto at pakikipagkapwa naman,” dugtong ni Gregorio.
Ayon sa impormasyong nakalap ng Saksi Pinas, nagsumite na umano ng “leave” si Baldwin, gayundin ang Ateneo men’s basketball team manager na si Epok Quimpo.
Taong 2016 nang hawakan ni Baldwin ang Ateneo Blue Eagles basketball squad. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, nakasungkit ng apat na kampeonato sa UAAP ang naturang unibersidad.
