ANO nga ba ang dapat pagbatayan sa hatol ng impeachment court — 16 na boto o 2/3 ng presensya ng mga senator judges?
Para kay Manila Rep. Joel Chua na tumatayong chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, higit na angkop kilalanin ang 2/3 ng kabuuang bilang ng mga senator-judges na lumahok sa pagdinig ng senate impeachment court.
“Malaking isyu po ito po. Personally, naniniwala po ako, dapat po kung sino lang po yung nagpapa-participate sa impeachment trial, dapat yun lang ang boboto,” wika ni Chua.
“Kasi po, papaano ka boboto kung hindi ka naman nag-participate sa impeachment trial? Parang isang huwes, paano po siya magre-render ng kanyang verdict, whether guilty or not, kung hindi naman niya nakita yung mga sinabi ng mga testigo?”
Ayon kay Chua, ang impeachment trial ay maihahambing sa paglilitis ng korte.
“Hindi po natin pwedeng ipareha sa ordinary legislative na ginagawa po ng mga senador. Kasi, maliwanag po dito sa impeachment, ito ay parang akin to court hearing, kung saan po ang huwes ay tinitingnan ‘yung demeanor ng testigo kung ito po ay nagsasabi ng totoo, kung ito po ay nagsisinungaling,” dagdag pa niya.
“Parte po ng kanilang pag-re render ng judgment as base po sa mannerism, sa conduct na inuupo sa witness stand,” paliwanag ng mambabatas na bahagi ng 11-member House prosecution panel.
Aniya, ang usapin sa pagboto ay maaari naman resolbahin ng Korte Suprema bagamat sa kanyang pananaw, ang quorum rule na pinagbatayan sa July 3 session ng Senado kung saan naitalaga si Sen. Sherwin Gatchalian bilang acting senate president ay maaari rin sundin sa impeachment proceedings.
Samantala, isinantabi ng House committee head ang hirit ng kampo ng bise presidente na agarang ibasura na lamang ang Articles of Impeachment na hindi na sumasalang pa sa paglilitis.
“Doon sa kanyang answer kasi parang pinapa-motion to dismiss niya, parang motion to dismiss. At naniniwala kami na wala namang karapatan o awtoridad ang Senado para ito ay desisyunan,” giit ni Chua.
“Ang tanging trabaho ng Senado ay i-try at ‘yun po ay maliwanag sa ating Saligang Batas. The Senate shall try upon receiving the Articles of Impeachment. The Senate shall proceed to the trial forthwith,” aniya pa.
“The only reason or the only way para ito ay ma-dismiss ay kung nag-render na ng desisyon ang Senado at it’s either ma-acquit o ma-convict ang ating bise presidente.
