PROBLEMADO ang abogado ni Vice President Sara Duterte kung paano makukumbinsi ang pangalawang pangulo na sumalang sa witness stand sa sandaling simulan ang impeachment trial sa Hulyo.
Para kay House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, malaking hamon para sa panig ng depensa sa impeachment proceedings ang kooperasyon ng akusado.
“Yun ay nasa sound discretion po ng defense kung sa tingin po nila na mas makakatulong sa kanila ang appearance ng ating Vice President. So, it’s a matter of legal strategy on the part of the defense panel,” wika ni Chua.
“Once na siya po ay ginawa nilang testigo, she will be subjected to cross examination. So, pag-inupo siya, magsasalita po siya, yun po yung kanyang direct examination. Tapos kami naman po, iko-cross namin po siya,” dagdag ng Manila solon.
Ayon kay Chua, wala rin katiyakan sisipot si VP Sara ang paglilitis ng Senate impeachment court sa kabila pa ng mga naunang pahayag ng kahandaan depensahan ang alegasyon matapos isnabin ang clarificatory hearings ng House Committee on Justice kaugnay sa mga isinampang reklamo.
Gayunpaman, aminado si Chua na bahagi ng 11-member House prosecution panel na malaking tulong para sa panig ng depensa kung dadalo ang bise-presidente sa mga paglilitis.
Sa isang banda, hindi naman aniya mapipigilan ng defense panel ang prosekusyon na gisahin ang impeached official.
