SUKDULANG pahirap ng hanay ng mga konsyumer ang patong-patong na value-added tax (VAT) na ikinakarga sa iba’t-ibang charges na sinisingil ng Meralco.
Sa isang kalatas, hinikayat ni Marikina City Rep. Miro Quimbo ang Kongreso na silipin ang Meralco na tatlong beses nagpapataw ng 12 percent VAT sa buwanang singil sa aktwal na konsumo, transmission at distribution.
Mungkahi ni Quimbo na tumatayong chairman ng House Ways and Means Committee, generation charges na lang umano ang dapat patawan ng VAT.
Pag-amin ng mambabatas, personal na niyang iminungkahi kina House Speaker Faustino Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos na limitahan na lamang sa generation charges ang pagpapataw ng VAT.
“Tingnan natin kung saang areas, without reducing VAT necessarily, saan tayo pwedeng maka-reduce ng epekto nito sa ating mga kababayan,” aniya.
“Ang isa diyan ay high time na rin talaga pag-aralan at tinutulak din natin na ang VAT sa kuryente ay hindi siya ipataw sa every stage ng electricity process.”
“Sa bawat step na yan ay nag-impose tayo ng 12%, so pagdating sa dulo, sa consumer, binabayaran niya lahat yun. So ang gusto natin ay the rational way to really impose VAT, is impose lang natin siya dun sa generation side,” paliwanag ng mambabatas.
Samantala, nagpahayag ng suporta si Quimbo sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagbawal ang paniningil ng system loss charges sa mga konsyumer.
Ang system loss charges ang halaga ng kuryenteng nawala habang dumadaloy sa kawad ng kuryenteng binabayaran ng mga konsyumer kahit hindi naman nila nakonsumo.
