TARGET ng Office of the Ombudsman imbestigahan ang pamilya Villar hinggil sa umano’y pagharang sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Extension Project sa Cavite.
Ayon kay Ombudsman Crispin Remulla, nais umano ng pamilya Villar pataasin ang halaga ng mga pag-aaring lupa. Ang paraan — ilapit ang proyekto sa kanilang property.
Kasama rin umano sa mga nakalap na impormasyon ni Remulla ang banta ng mga Villar na haharangin ang proyekto kung hindi masusunod ang kanilang gusto.
“Dapat diyan umabot na sa Cavite iyan… kaya lang ang naging kwento, we’re still determining kung totoo o hindi, eh meron talagang senador, two senators basta yung mga Villar, were going against the alignment. Gusto nila dumaan sa lupa nila. We’re investigating this kung totoo o hindi,” wika ni Remulla sa isang [programa sa radyo.
“Gusto nila idaan sa C5 kung saan may lupa sila,” wika ni Remulla.
Bilang pambungad, naglabas na umano si Remulla ng direktiba kumalap ng mga dokumento ng mga lupang nakapangalan sa mga Villar o sa mga kumpanyang pag-aari ng pamilya.
“We’re investigating that. We’re looking at the exchange of communications ng mga department,” ani Remulla. “Kasi nga real estate play, gusto nila tamaan yung lupa nila.”
Bukod sa LRT extension project sa Cavite, kontra din umano ang mga Villar sa panukalang mass transit authority at sa Land Use Act.
“Kaya nga ang mass transit authority is a big question kasi nga sa Senado pa lang may dalawang ka na na lalaban sayo. Ayaw nila. Sila rin ‘yung ayaw sa Land Use Act, ayaw rin nila,” dugtong ng Ombudsman.
“Tama na. Sana yung greed ma-moderate naman,” patutsada ni Remulla.
