ILANG araw matapos kumpirmahin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang napipintong pagsasampa ng kaso laban sa isang kaanak, inatasan ng Office of the Ombudsman si former House Speaker Martin Romualdez na sagutin ang reklamong plunder, graft, at direct bribery.
Bagamat aminadong nasaktan sa tinuran ni Marcos sa ikalimang State of the Nation Address (SONA), nanindigan si Romualdez na wala umano siyang ginawang labag sa umiiral na batas.
“Masakit man ito sa aming pamilya, iginagalang ko ang naging pahayag ng Pangulo. Hindi ako kailanman humingi ng pabor o espesyal na pagtrato,” mahinahong pahayag ni Romualdez.
Para sa dating lider ng Kamara, tama lang na puksain ng administrasyon ang malawakang katiwalian sa pamahalaan. Gayunpaman, iginiit na Romualdez na higit na angkop pairalin ang proseso.
“Sang-ayon ako na gawin natin ang tama. Ang tama ay ang sumunod sa proseso at hayaan ang ebidensya ang magsalita. Naninindigan akong wala akong ginawang anumang labag sa batas.”
“At handa akong patunayan ito. Maraming salamat,” pagtatapos ni Romualdez.
Sa binigkas na talumpati ng Pangulo kamakailan, ibinida ni Marcos ang mga hakbang ng administrasyon kontra katiwalian ng pamahalaan. Katunayan aniya, meron na aniyang mga kinasuhan at ikinulong tulad ng mga kontratista, government officials at ilang mambabatas.
“At dumating na tayo sa punto na ayon sa Ombudsman ay malapit na ang paghain ng patong-patong na kaso laban sa dating Speaker. Masakit man sa akin ito ngunit kailangan nating gawin ang tama,” wika ng Pangulo sa harap ng mga mambabatas, dignitaryo at iba pang inanyayahan saksihan ang taunang ulat sa bayan.
“Hindi ako Pangulo ng aking pamilya. Hindi ako Pangulo ng aking kaibigan. Ako ay Pangulo ng Pilipinas at ang tungkulin ko ay sa inyo: ang aking mga kapwa Pilipino,” diin pa ni Marcos.
Samantala, iginiit ng kampo ni Romualdez na handa ang dating Speaker harapin, sa tamang proseso, ang mga paratang ng Ombudsman.
Itinanggi rin ni Romualdez ang ‘pasabog’ ng Bureau of Immigration hinggil sa umano’y planong paglisan sa bansa para takasan ang kaso.
