ASAHAN ang pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo sa lokal na merkado, batay sa pagtataya ng Department of Energy (DOE).
Ayon kay DOE Oil Management Bureau Director Rino Abad, posibleng umabot mula P7.50 hanggang P9.50 ang bawas-presyo ng diesel habang P3.00 hanggang P5.00 ang rollback sa gasolina.
Ani Abad, bumaba ng humigit-kumulang 20 dollars kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, ilang araw bago ang paglagda sa peace agreement sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Asahan din aniya na magpapatuloy pa ang pagbaba ng presyo ng langis bunsod ng sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Ngayong linggo, nagkaroon ng magkakaibang galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo, taliwas sa kumakalat na balita sa di umano’y panibagong oil price hike.
Paliwanag ng DOE official, nakabatay ang paggalaw sa presyo ng langis sa iba’t ibang salik, kabilang ang demand at supply sa pandaigdigang merkado, mga kaganapan sa Gitnang Silangan, at galaw ng foreign exchange rate.
