HINDI makatarungan ang singil ng Stradcom Corp sa Land Transportation Office (LTO), ayon kay Ombudsman Crispin Remulla.
Yaman din lamang walang pinirmahan kontrata ang pamahalaan sa naturang information and technology provider, inatasan na rin umano niya si LTO Chief Markus Lacanilao na putulin na ang operasyon ng Stradcom.
“Gusto kong linawin lang talaga, walang official contract sa gobyerno yan,” anang Ombudsman.
“Kaya nga inutusan ko na ‘Tama na yan! Tigil na yan… bayad tayo nang bayad ng computer fee… saan napupunta ‘yon? Bakit tayo nagbabayad nang gano’n?”
Batay sa impormasyon nakapaloob sa dokumentong nakalap ng Ombudsman, lumalabas na isang dating alkalde na nagngangalang Cezar Quiambao ang may-ari ng Stradcom.
“Si Cezar Quiambao, kay Quiambao yan. Sa kanya yung Stradcom,” aniya pa.
“Dapat tumigil na lahat yan. Nakakaawa naman ang bayan. Magmalasakit naman sila sa bayan. Tigilan na nila ‘yung kalokohan diyan.”
Sa pagtataya ni Remulla, hindi bababa sa P15 bilyon ang kinita ng Stradcom sa LTO — “More than P15 billion ang kinikita ng Stradcom diyan, ewan ko lang kung nagbayad sila ng tax. Baka hindi lang P15 billion, mga P22 billion.”
Ani Remulla, mas angkop kung itutuon ng LTO ang pondo ng ahensya sa government-owned Land Transportation Management System (LTMS) sa halip sa paggamit sa serbisyo ng Stradcom.
Buwan ng Mayo nang maghain ng reklamong graft, grave misconduct, gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service ang Coalition 169 laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon sa grupo, hindi na kailangan pang gumastos ng DOTr sa information technology na kaya naman umano ibigay ng LTMS na pag-aari ng gobyerno.
