MULING bubuhayin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) para ituloy ang imbestigasyon sa malawakang katiwalian sa mga pagawaing bayan ng pamahalaan.
Kabilang sa napipisil na italaga sa ICI si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Gayunpaman, tumangging magbigay ng kumpirmasyon ang Pangulo hinggil sa mga taong hihirangin maging bahagi ng komisyon.
Ayon kay Marcos, ihahayag ang mga bubuo ng ICI sa sandaling matapos ang pagbuo ng komisyon.
Una nang inihayag ng Presidential Communications Office (PCO) ang pagbuo ng fact-finding body na tatawagin umanong Independent Commission to Investigate Flood Control Anomalies (ICI-FCA)
Layon umano ng ICI-FCA tukuyin ang mga irregularidad, panagutin ang mga sangkot, at ibalik ang tiwala ng publiko sa paggastos ng pondo para sa imprastraktura.
Kamakailan lang nang magsumite si Magalong sa Palasyo ng document folder na naglalaman ng impormasyon hinggil sa mga iregularidad sa ilang flood control projects.
Usap-usapan din sa Palasyo na bahagi ng naturang document folder ni MAgalong ang talaan ng mga kongresistang sangkot sa kickback at ghost projects.
