HANGGAT maaga dapat magkaroon ng linaw kung ilan ang kailangan boto para tuluyang patalsikin sa pwesto si Vice President Sara Duterte — batay sa kasalukuyang bilang ng mga aktibong mambabatas na tatayong senator-judge sa napipintong pagdinig ng Senate impeachment court.
Sa isang kalatas, ibinahagi ni House lead prosecutor Atty. Gerville Luistro na pinag-aaralan na ng hanay ng mga tagausig ang gagawing hakbang hinggil sa naturang isyu.
“Pag-uusapan natin ‘yan kung anong magandang action ng prosecution para pagdating ng conclusion ng trial ay wala nang mga question about how we are going to interpret the two-thirds of all,” dugtong ni Luistro.
Batay sa itinakda ng Saligang Batas, kailangan ang 2/3 votes ng senator-judges o 16 sa 24 na miyembro ng Senado para katigan ang impeachment case laban sa bise presidente.
Subalit sa ngayon, 22 senator lang ang inaasahang pisikal na dadalo at boboto dahil suspendido at nakakulong si Sen. Jinggoy Estrada habang nagtatago naman si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na target ng manhunt bunsod ng arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Ayon kay Luistro, maaaring dalhin sa Korte Suprema ang usapin. Gayunpaman, masyado pa aniyang maaga dahil nasa pre-trial conference pa lang naman umano ang proseso.
Muli namang binanggit ng lady lawmaker ang kanyang pananaw na ang two-thirds ng mga hukom sa impeachment trial ay batay kung sino-sino o ilan ang makadadalo sa trial sa ilalim ng coercive power ng Senado.
“Ako? Two-thirds of senators within the Senate’s coercive power. Ang verbatim na provision sa Constitution ‘two thirds of all the members of the Senate’… hindi naman sinabing 24.”
