HIMALANG nakalusot sa tiyak na kamatayan ang isang komentarista sa radyo matapos tambangan ng hindi pa tukoy na suspek sa Roxas City sa lalawigan ng Capiz.
Sa impormasyong ibinahagi ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS), kinilala ang biktima na si Jay Lavapiez. Nangyari ang pananambang dakong alas 5:00 ng madaling araw sa Barangay Cagay sa nabanggit na lungsod.
Batay sa salaysay ng biktimang radio broadcaster, dalawang suspek na sakay ng motorsiklo ang biglang humarang sa sasakyang minamaneho patungo sa himpilan ng radyo para sa regular program.
Narekober ng mga rumespondeng pulis sa lugar ng pinangyarihan ang apat na basyo ng bala na ginamit sa bigong pamamaslang.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
