UPANG makaiwas sa labis na paggamit gadgets at social media, hinimok ni Abra Lone District Rep. JB Bernos ang mga loca, government units (LGU)na mas palawakin ang sports, arts, at community-based activities para sa mga kabataan.
Ayon kay Bernos, hindi kaila na maraming kabataan ang tutok sa paggamit ng electronic gadgets. Hindi rin umano maitatanggi ang epekto sa mga bata ng mga social media contents na puro kabalbalan, gayundin ang kultura ng karahasan sa likod ng mga bayolenteng online games.
“As we continue to lament that our children are getting more disconnected from reality because of technology, I believe that now more than ever we should double down on activities that help establish real human connection,” wika ng Abra lone district solon.
Ayon kay Bernos, na miyembro ng House committee on local government, dapat tutukan ng mga LGUs ang mga programa at aktibidad na makakatulong sa mga kabataan para mapagtibay ang magandang relasyon sa bawat komunidad.
“Sports, arts, theater, and other collective activities are tried and tested solutions that benefit our youth. Sa tulong ng mga ito ay mailalayo natin sila sa karahasan, sa droga, masamang bisyo, atbp.,” sambit pa ng mambabatas.
“We have various partners that we can rely on in this regard, such as the church, non-government organizations, and schools. Lumikha tayo ng plataporma para maengganyo natin ang kabataan na may mas malaking mundo sa labas ng cellphone at computer,” dagdag ni Bernos.
Hirit ng kongresista sa mga LGUs, magsagawa ng mga aktibidad na magtuturo sa kabataan ng responsibilidad sa lipunan.
Inihalimbawa ni Bernos ang tree-planting at environmental cleanup, gayundin ang nature trips, museum tours, at iba na, na aniya ay magpapakita sa mga kabataan na kaya nilang makagawa ng “positive difference in the lives of others.”
