KUNG pagbabatayan ang testimonya ng isang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI), hindi ang bise presidente o sinuman sa pamilya Duterte ang puntirya ng tinaguriang Operation Romanov.
Sa pagsalang sa cross-examination ni NBI Regional Director Jeremy Lotoc, idinetalye ng opisyal ang mga natuklasan hinggil sa sinasabing assassination plot.
“Narinig ko ’yung term na Romanov noong binigkas ni Mayor Baste (Duterte) noong January during Maisug rally. Other than that, wala akong na-validate about Romanov operation,” paglalahad ng NBI official.
Matapos ng paglalahad, tinanong ni Senator-judge Raffy Tulfo si Lotoc sa kung ano pa ang natatandaan pa niya sa mga binigkas ng Davao City mayor sa nabanggit na rally.
“When you go to bed tonight, think about the Romanovs. ‘Yun po yata ’yung pagkasabi. Parang sinasabi niya na baka mangyari sa pamilya niyo yun, gaya ng nangyari sa inyo noong 1986. Kung tama ’yung memory ko, sir, parang ganun po ang sinasabi ni Mayor Baste,” sagot ni Lotoc kay Tulfo.
Ani Tulfo, lubos na nakakapagtaka ang pahayag ng isang Princess Maui na tinutukoy ang “Romanov” bilang banta sa Duterte family sa online press conference ng bise presidente.
“Nagtataka ako na binanggit yan ni Princess Maui doon sa online press conference ni VP Sara, ’yung Romanov na banta para sa mga Duterte. When in fact, it was Baste Duterte ang nagbitaw ng salita na yun, warning sa First Family,” sabi pa ni Tulfo.
Nang tanungin ulit ng senador si Lotoc sa kung saan nagmula ang “Romanov,” walang kagatol-gatol na itukoy ng NBI official si Mayor Baste.
“In so far as our investigation is concerned, since nag-start yan kay Mayor Baste, at wala ho kaming ma-validate na ibang Romanov operations na nangyari, I think nag-start yan sa kanila, sir, sa kapatid ng Vice President,” ani Lontoc.
“Yung threat na yun, ’yung Romanov na salita, it was used to warn of a threat to the First Family. The word Romanov came from the mouth of Mayor Baste Duterte na parang binabantaan niya ’yung First Family. You follow me, Mr. Witness?,” muling tanong ng senador.
“Yes, sir. Tama po ’yun,” sagot ni Lotoc.
Una na ring sinabi ni Lotoc na inimbitahan ng NBI si Princess Maui para magbigay linaw sa Oplan Romanov subalit hindi ito sumipot.
