SA gitna ng patuloy na bangayan sa senado, umeksena ang National Bureau of Investigation (NBI) — pero hindi para gumitna kundi sa hangarin isailalim sa imbestigasyon ang lider ng senate minority.
Sa isang panayam, ibinahagi ni NBI Director Melvin Matibag ang pagbuo ng isang na mag-iimbestiga sa mga umano’y mga iregularidad na naganap sa pagdaraos ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games sa Pilipinas.
Partikular na sisilipin ng kawanihan ang umano’y katiwalian sa pondong inilaan — at hinastos ng gobyerno para sa naturang palaro ng mga atletang Asyano.
“[We’re] in possession of documents already na meron talagang kailangan imbestigahan because there are huge amount of money na na-involve dito. If you recall, there was no bidding na ginawa dito. Tapos unliquidated, so marami ‘yan na kailangan tingnan,” ani Matibag.
“That’s why I’m creating a task force composed of our Financial Investigation Unit at aming Special Action Unit to investigate the matter,” dagdag pa niya.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang NBI sa Securities and Exchange Commission (SEC), Commission on Audit (COA), at iba pang ahensya ng gobyerno bilang bahagi ng imbestigasyon.
“As we speak, wala pa naman tayong sasabihin na na-identify, but there are already personalities na nakikita natin,” paliwanag niya.
Hindi man hayagang pinangalanan, mistulang si Senador Alan Peter Cayetano ang target ng imbestigasyon. Si Cayetano ang nagsilbing chairperson ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) nang idaos sa Pilipinas ang 2019 SEA Games.
“I’m always respectful to everybody, especially to the members of the Senate. It just so happens siguro na siya ang involved dito. At tayo naman, ang record ng NBI, will always go where the evidence leads us… kung kailangan natin siya tanungin, we will respectfully ask him,” ani Matibag.
