PIHADONG lugmok na sa dusa ang mga susunod na henerasyon dahil sa kapalpakan ng kasalukuyang administrasyon — halos P19-trilyong utang, walang puknat na katiwalian sa pamahalaan, kabi-kabilang karahasan sa lansangan, pagkawasak ng kalikasan, kumukulong sikmura ng mga mamamayan, at iba pa.
Ang bida sa Palasyo, dedma lang lalo pa’t nakikinabang sa paghihirap ng bayan.
Ang totoo, hindi lang naman si Dayunyor ang may sala. Sa mga nakalipas na administrasyon, nakasanayan ang pagbebenta ng yaman ng bansa — kabilang ang mga sektor ng enerhiya, tubig, komunikasyon at marami pang iba.
Fast forward tayo. Sa kamay ng mga oligarko, lubhang nagdusa ang mga Pilipino. Presyong ginto ang kuryente, tubig at komunikasyon. Ang masaklap, nagbabayad tayo para sa palpak na serbisyo tulad ng ginagawang pagsasamantala ng Meralco.
Para sa mga minimum wage earners na kumikita lang ng humigit kumulang P15,000 kada buwan, parang pinatay na rin sila ng Meralco. Dangan naman kasi, malaking bahagi ng kakarampot na sweldo, pasok sa banga ng Meralco.
Palusot ng Meralco, nagtaas ang presyo ng kuryenteng isinusupply ng tinatawag na independent power producers. Pero ang totoo, Meralco rin ang may-ari ng kumpanyang nagbebenta sa kanila ng kuryente.
Palusot ulit ng Meralco, hindi sa kumpanya pumapasok ang iba’t-ibang “charges” na nakapaloob sa buwanang billing statement. Pero ang totoo, ayaw nilang mabawasan kahit piso ang kanilang tubo kaya pati yung tinatawag na distribution losses, kinakarga sa mga konsyumer.
Palusot pa rin ng Meralco, kailangan pondohan ang mga renewable energy projects na pakikinabangan sa hinaharap. Susmaryosep… gusto nyong palawigin ang negosyo pero sa amin kunin ang pondo sa bagong proyekto?
Palusot ulit ng Meralco, sa gobyerno pumapasok ang buwis na nasa resibo. Anak ng pating… pati ba naman obligasyon niyo sa gobyerno sa amin nyo pa rin ikinakarga?
Sa aking abang pananaw, dapat tugunan ng gobyerno ang perwisyong dulot ng Meralco.
May kapangyarihan ang Kongreso rebisahin ang prangkisa ng isang dambuhalang kumpanya tulad ng Meralco.
Kung nagawa ng Kamara supilin ang ABS-CBN, mas marapat na tanggalan ng pangil ang Meralco — at ibalik sa gobyerno ang kontrol ng kumpanyang lubos na nagpapahirap sa mga konsyumer sa nakalipas na apat na dekada.
