MULING iginiit ng kampo ni Leyte Rep. Martin Romualdez na handa ang dating lider ng Kamara humarap at sagutin ang anumang reklamo o kasong niluluto ng Office of the Ombudsman.
Ayon kay Atty. Elaine Atienza na tumatayong tagapagsalita ni Romualdez, walang dahilan para umiwas ang kongresista, kasabay ng giit na walang nagawang pagkakasala ang kongresista..
“Tulad po ng nasabi na namin noon pa man, handa si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez na harapin ang anumang reklamo laban sa kanya,” pahayag ni Atienza.
Partikular na tinugon ni Atienza ang mga ulat hinggil sa pag-usad ng preliminary investigation ng special panel kaugnay sa kasong plunder, direct at indirect bribery, graft, at paglabag sa Anti-Money Laundering Act (AMLA) na inihain umano laban kay Romualdez at iba pang personalidad na sinasabing may kinalaman sa flood control scandal.
Anang lady lawyer, hindi natitinag si Romualdez sa paninindigan nitong direktang harapin lahat ng paratang sa legal at patas na paglilitis ng hukuman.
“Naniniwala kami na kung magkakaroon ng patas na laban at patas na paghuhusga batay sa ebidensya, mapapatunayan ni Rep. Romualdez ang kanyang panig,” dagdag ni Atienza.
Panawagan ng kampo ni Romualdez sa publiko, bigyang-daan ang paggulong ng legal na proseso.
“Hinihiling lamang namin sa publiko na hayaang manaig ang proseso at ebidensya ang magpasya.”
