SA gitna ng kabi-kabilang panawagan, mistulang bingi ang pamahalaan sa peligrong dulot ng nakaambang balik-operasyon ng isang malaking minahan sa Isla ng Sibuyan.
Buwan ng Hulyo ng nakaraang taon nang una kong masilayan ang napakagandang isla ng Sibuyan para lumikha ng bagong dokumentaryo tampok ang mga nakakamanghang lugar sa ating bansa.
Bukod sa sariwang hangin, magiliw din ang mga residente mula sa tatlong munisipalidad sa isla ng Sibuyan — ang Cajidiocan, Magdiwang, at San Fernando.
Sa likod ng nakakabighaning isla ay isang banta — ang muling pagbubukas ng Altai Philippines Mining Corporation na gumahasa sa bulubunduking bahagi ng San Fernando sa loob ng mahabang panahon.
Pebrero 2023 nang ipatigil ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng Altai dahil sa pagkawasak ng kalikasan at nakaambang peligro sa buhay ng mga mamamayan. Si Bongbong Marcos na ang bida sa Palasyo nang ipasara ang Altai na pag-aari ng pamilya ni Senador Sherwin Gatchalian.
Matapos maluklok si Gatchalian bilang senate president, biglang nagbago ang ihip ng hangin. Ang mga lokal na opisyales na dating kontra sa operasyon ng minahan ng mga Gatchalian, biglang nanahimik.
Sa gitna ng nakakabinging katahimikan, may gumapang sa Sangguniang Bayan. Sa isang iglap, pro-mining na ang mga lokal na opisyales ng San Fernando.
Ang masaklap, inindorso pa ng anim sa siyam na konsehal ng bayan ang resolusyon para sa pagmimina ng 42-ektaryang bahagi ng kabundukan sa isla ng Sibuyan — walang pagdinig, walang konsultasyon.
Halatang minadali. Dahil ba sa matinding takot o pinadalhan na rin ng maleta ni Gatchalian?
Biglang umalingasaw ang bentahan ng prinsipyo — balik operasyon ng minahan ba ang kapalit ng pagiging masunurin ni Gatchalian sa dikta ng Malakanyang?
