“LABANAN na lang ng ebidensya, hindi emosyon at saka personal na bagay.” Ito ang hamon ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V sa kampo ni Vice President Sara Duterte na pakay ng paglilitis ng Senate impeachment court.
Giit ni Ortega, dapat manaig ang ebidensya sa paglilitis ng Senate impeachment court, alinsunod sa 1987 Constitution.
Para kay Ortega, ang impeachment trial isang constitutional accountability mechanism na dapat isagawa nang may respeto sa lahat — mula sa mga senator-judges, tagausig at panig ng depensa.
Sa panig aniya ng prosekusyon, prayoridad ang malinaw at maayos na paglalatag ng mga ebidensya at testigong pagbabatayan ng hatol ng Senate impeachment court.
“Ang sa’min is more on talagang mailabas at saka ipakita lahat ng ebidensya kasi nga, on the side of the prosecution, ‘yun ang importante na magawa. At importante maayos at matahi po lahat ang mga piniprisenta,” dugtong ni Ortega.
Ikinalugod ng La Union lawmaker ang “positive feedback” na natanggap ng prosekusyon mula sa legal experts na nakatutok sa impeachment trial.
Ibinigay na halimbawa ni Ortega ang pinakabagong resulta ng survey na pinangasiwaan ng OCTA Research. Sa naturang survey, lumalabas na 71 porsyento ng mga Pilipino ang umaasang base sa ebidensya ang anumang hatol na ilalabas ng Senado.
“Actually, ang gusto nga nila, ‘sige, tapusin niyo na sa prosecution para tingnan naman natin ano yung gagawin ng depensa.’ Parang excited sila kung paano sasalagin o dedepensahan ng kabilang panig yung mga glaring saka malalakas na ebidensya from the prosecution,” dagdag pa ng kongresista.
Bukod dito, sinabi ni Ortega na asam din ng taumbayan magkaroon ng dignidad at mahusay na pagkilos ang mga bahagi ng proseso at hindi na maulit ang mainit na palitan ng pahayag ng prosekusyon at ilang senator-judges.
