HINDI kinagat ni Senador Erwin Tulfo ang palusot ng Meralco sa umano’y napipintong pagkalugi ng kumpanya sa sandaling alisin ang system losses sa buwanang bayarin ng mga konsyumer.
Paglilinaw ni Tulfo, hindi malulugi ang Meralco kahit tanggalin ang system loss charges mula sa mga bill ng kuryente. Ang kinatatakutan aniya ng naturang kumpanya — mababawasan ang bilyon-bilyong kita.
Partikular na tinukoy ni Tulfo ang inilabas na pahayag ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan hinggil sa system losses. Ani malulugi ang kumpanya sa sandaling tanggalin ang system loss charges sa mga konsyumer.
“Paulit-ulit naming naririnig ang mga reklamo mula sa mga kumpanyang ito na mawawalan sila ng bilyon kung aalisin namin ang systems loss charge,” pahayag ni Tulfo, chairman ng Senate energy committee, sa pagdinig.
“Ngunit linawin natin: hindi ito magdudulot ng operational losses sa mga distribution utilities. Mababawasan lamang nito ang kanilang malalaking kita na bilyon-bilyon. Panahon na upang itigil na natin ang pagpilipit sa mga karaniwang mamamayang Pilipino na magbayad para sa kuryenteng hindi naman nila ginamit,” bulalas ng mambabatas.
Una nang naglabas ng pahayag ang naturang distribution utility company. Anang Meralco, ang pagtanggal system loss charges sa mga singil ay magdudulot ng P60 bilyong pagkalugi sa industriya ng enerhiya.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kongreso bumalangkas ng batas na tutungkab sa system loss charges na pinapasa ng Meralco sa mga konsyumer.
Maging si Energy Regulatory Commission (ERC) chairman Francis Saturnino San Juan, mababawasan lang ng bahagya ang kita ng Meralco kung tuluyang tatanggalin sa buwanang singil ng utility company ang system loss charges.
“Ang technical system loss po ay kumakatawan lang ng 1.5 percent ng kabuuang system loss… kaunting bahagi lang ng kita nila [Meralco],” dagdag ng ERC chair.
Tiniyak din ng opisyal ang kahandaan ng ERC tanggalin ang system loss charges — sa sandaling amyendahan ng Kongreso ang Section 43(f) ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Samantala, nagbigay paalala si Tulfo sa Meralco — “Malinaw ang misyon ng Pangulo, at ang aming prayoridad ay ang kapakanan ng konsyumer,” dagdag ni Tulfo.
“Ang mga malalaking kumpanya ng kuryente ay nagtatamasa ng malaking kita sa mga makalipas na dekada. Makatarungan lamang na sila ang sumagot sa mga gastos na ito upang makapagbigay ng matagal nang kinakailangang tulong pinansyal sa milyun-milyong pamilyang Pilipino.”
