MISTULANG lumiliit ang mundong ginagalawan ni Vice President Sarea Duterte dahil sa pagbuhos ng mga ebidensya kaugnay ng reklamo hinggil sa hindi maipaliwanag na yaman.
Partikular na tinukoy ni House prosecutor Terry Ridon ng Bicol Saro partylist group, ang napipintong pagsasapubliko ng ‘bulto-bultong’ dokumentong may kaugnayan sa maling paggamit ng P612.5-million confidential funds at maging ang hindi magkatugmang deklarasyon sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.
“Lumiliit na ang mundo ng ating Pangalawang Pangulo,” pahayag ni Ridon, na tumatayong chairman ng House Committee on Public Accounts.
Ginawa ng Bicol Saro partylist solon ang pahayag matapos na isumite ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa impeachment court ang mga pina-subpoena na tax records ni Duterte at asawang si Atty. Manases Carpio, gayundin ang mga negosyong iniuugnay sa kanila.
Bukod sa BIR documents, kinatigan din ng Senate impeachment court ang hiling ng mga tagausig na ipa-subpoena rin ang mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay naman ng bank transactions ng Duterte-Carpio couple.
Sa naging pagdinig sa Kamara, mismong ang AMLC ang nag-ulat na may naitalang P6.7-billion transactions at P4.4 billion na inflows o pumasok sa bank accounts ng mag-asawa.
Ayon kay Ridon, umaasa ang prosekusyon na kasunod nang pagsusumite ng BIR ng tax records ng pangalawang pangulo at asawang abogado ay bitbit na rin sa impeachment court ang AMLC reports anumang araw simula ngayon.
