YAMAN din lang naibalik na sa Senate impeachment court ang selyadong kahon na naglalaman ng tax at bank records ni Vice President Sara Duterte, tiniyak ng prosekusyon na gagamitin ang mga naturang dokumento bilang ebidensya laban sa pangalawang pangulo.
Para kay Atty. Jay Tolosa na tumatayong tagapagsalita ng private prosecution team, malaking bentahe sa pag-uusig ang pagsang-ayon ng impeachment court sa hiling ng prosekusyon at paglabas ng subpoena sa bank accounts, tax records at Anti-Money Laundering Council (AMLC) reports na iniuugnay kay Duterte at asawang Atty. Mans Carpio.
“That is essentially what they allowed us to do when they granted the issuance of subpoenas. Wala na rason para hindi na ma-presenta ng prosecution ang evidence sa paglilitis,” anang private prosecutor sa Zoom online press conference.
“So bibigyan ng kopya ang prosecution diyan, aralin natin mabuti, pagdating sa unexplained wealth, ipe-presenta na namin ang mga yan (as evidence),” dagdag niya.
“Syempre aaralin natin ‘yan, gugugol tayo ng oras diyan at panahon para mailatag natin ng mabuti in a way na madaling maintindihan, hindi lang accurate, but madaling maintindihan ng lahat,” saad din ni Tolosa.
Giit niya, ang financial document ng impeached public officials ay pinapayagan maiprisenta sa Senate impeachment court.
“As pointed out by (House prosecutor) Cong. Chel Diokno (of Akbayan partylist), pati ‘yung laws governing these kinds of financial documents, they allow the use of these documents in court proceedings like this,” dugtong niya.
Bukod sa bank at tax records ng Duterte-Carpio couple, kasama rin sa ipinapakuha ng impeachment court ang AMLC report na financial transactions ng dalawa sa nakalipas 20 taon o simula ng maupong vice mayor ng Davao City si Duterte, na aabot sa kabuuang halaga na P6.7 billion “covered and suspicious” transactions.
Naisumite na rin ng Office of the Ombudsman ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente kung saan mula sa P7.5 million na idineklara nitong net worth noong 2007 ay tumaas ito ng higit P88 million nitong 2024, habang wala naman tinukoy na “cash on hand” at “cash in bank” mula 2019 hanggang 2024.
Nais ng prosekusyon ikumpara ang SALN at AMLC report, kasama na ang bank at tax records para sa alegasyong may hindi maipaliwanag na yaman ang bise presidente.
