SA halip na tulungan ibangon ang bansa, pilit na itinataboy ni Vice President Sara Duterte ang mga foreign investors.
Ito ang bulalas ni dating Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers na tumatayong House trial spokesperson at impeachment adviser, kaugnay ng pahayag ni Duterte sa isang pagtitipon sa The Hague, Netherlands kamakailan.
Sa isang panayam kasabay ng naturang pagtitipon, binalaan ni Duterte ang mga dayuhang kapitalista at maging mga turista sa umano’y lumalalang peace and order sa Pilipinas, kung saan aniya maaaring magpatumba ng taksil na asawa sa halagang P5,000 lang.
Para kay Barbers, hindi gawain ng isang normal na bise-presidente dungisan ang reputasyon ng tinubuang bansa.
“Kung ikaw ay nasa ibang bansa you should be an ambassador of goodwill and dapat kinukwento mo ano ang maganda dito kasi nag-eenganyo tayo ng mamumuhunan sa ating bansa, nag-eenganyo tayo ng mga turista,” giit ng dating kongresista.
“Now how do we expect the positive response ng mga taong nakarinig nyan. Sa aking paniwala nakakasira ito sa imahe ng ating republika, ng ating mga kababayan dito. Imagine painting a picture na pwede pala mag-hire ng assassin dito sa halagang limang libo,” dagdag niya.
Subalit sinabi ni Barbers na ang pahayag ni Duterte ay lalo lang nagpatibay sa alegasyong may kinuha itong assassin para paslangin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at former Speaker Martin Romualdez.
“Paano na paint ang picture ng bansa, sa peace and order kung ganun ang paglalarawan ng Bise Presidente ukol sa mga gunman. Now it probably gives us a picture na totoo na may kontrata kasi alam niya ang presyo,” sambit pa ni Barbers.
Maging si House prosecutor at Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon naniniwalang ang paglalahad ni Duterte na kaya niyang kumuha ng hired-killer kahit sa halagang P5,000 ay patunay na may kapasidad itong magpapatay.
“She’s being prosecuted today on threats. The last thing I think any person being investigated on threats would do would be to talk about threats,” ani Ridon.
“The question is being asked of her, ito ba ’ung presyo na iginawad ng ating Pangalawang Pangulo noong siya ay nagbanta laban sa Pangulo at sa kanyang pamilya? Is the price of the life of the President P5,000 only?”
“’Yan ba ’yung exact mechanism kung paano niya ginawa nung nagbanta siya sa Pangulo at sa kanyang pamilya?”
