PABOR ang Palasyo sa planong tapusin na lang ang palitan ng maanghang na salita sa pagitan nina Senador Panfilo Lacson at Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, mas makakabuti sa bansa kung magkakasundo sina Lacson at Cayetano.
Pag-amin ni Castro, malabong mapag-isa ang paniniwala at prinsipyo ng dalawang mambabatas ng mataas na kapulungan, subalit hindi naman kailangan umabot sa hindi magandang relasyon o pakikitungo sa isa’t isa.
“Kung sila ay magkasundo at mawawala na iyong mga personal nilang sentiment sa bawat isa mas maganda ang kanilang relasyon sa pagtatrabaho,” ani Castro .
Magkasundo man aniya ang dalawang senador, maliit naman umano ang posibilidad na isuko ni Lacson ang imbestigasyon sa sinasabing katiwalian ng Taguig na kilalang balwarte ng mga Cayetano.
