KUNG gumamit man ng alyas ang Office of the Vice President (OVP) sa mga umano’y pinagbigyan ng P125 million confidential funds, obligasyon ng naturang tanggapan tukuyin ang personal na pagkakakilanlan ng mga sinasabing benepisyaryo ng nasabing pondo.
Subalit paglilinaw ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, wala pa sa posisyon ang prosekusyon hilingin sa Senate Impeachment Court na ideklarang “fictitious” si Mary Grace Piattos at iba pang pangalan na lumutang sa talaan ng mga umano’y benepisyaryo.
Makaraang magbigay ng salaysay ni Commission on Audit (COA) auditor Roderick Wamil, ang kasunod na tanong aniya ay kung kaya kilalanin ng OVP ang mga recipients ng pondo kung alyas lang ang ginamit sa liquidation report.
Ayon naman kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, mismong si Wamil ay nagsabing ginawa ang post audit sa confidential funds base sa dokumentong isinumite ng OVP, kasabay ng giit na hindi saklaw ng COA ang pagtukoy kung totoo o gawa-gawa lamang ang listahan ng mga nakatanggap ng pondo.
Binigyan-diin din ng COA officer na kailangan ang mahigpit na pagsunod sa disbursement at auditing policy dahil pera ng taumbayan ang nakasalalay.
“Ang sinabi ni Atty. Wamil is strict compliance, kasi pera ng taongbayan itong pinaggagamitan dito sa confidential activities,” sambit pa ni Alonto Adiong.
Isa sa nalantad na tumanggap ng confidential funds ang isang Mary Grace Piattos. Base sa acknowledgement receipts na isinumite ng OVP sa COA, P70,000 ang binigay sa naturang benepisyaryo bilang gantimpala sa impormasyon na ibinahagi sa OVP.
“Hindi natin alam kung sakitin ba itong si Mary Grace Piattos. Hindi natin alam, baka may plano si Mary Grace Piattos na magtayo ng botika—P70,000 worth of medicine,” kantyaw ni Alonto Adiong.
Nanindigan naman si Chua na kung gumamit ng pseudonym sa liquidation report para protektahan ang pagkakakilanlan ng mga nabigyan ng confidential funds, hindi naman aniya dapat harangin ang state auditors na malaman kung sino ang taong benepisyaryo ng pondo.
“Yung counterpart na pangalan o true identity, dapat nakalagay sa isang sealed envelope. At sa likod ng sealed envelope, may nakalagay na ‘confidential,’” mariing sabi ni Chua.
