HIGIT pa sa husay ang kailangan ng mga abogado ni Vice President Sara Duterte para salagin ang ebidensyang ipinrisinta ng House prosecution panel sa usapin ng ng maling paggamit ng pangalawang pangulo sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education sa panahon ng panunungkulan bilang kalihim ng naturang ahensya.
Partikular na tinukoy ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong adviser at spokesperson ng House prosecution panel ang testimonya ni state auditor Roderick Wamil ng Commission on Audit (COA).
“In my opinion, the burden of evidence shifted to the defense panel… and they will have to do a lot of counter-evidence to rebut this,” ang mariing sabi ni House trial spokesperson and impeachment adviser Robert “Ace” Barbers kasunod nang pagsalang sa witness stands ng nasabing state auditor.
Bukod sa pagtukoy ni Wamil sa iba’t-ibang paglabag ng OVP at DepEd sa paggastos ng kabuuang P612.5 million confidential funds, hamon din sa defense team ni Duterte ang pagtukoy sa mga indibidwal na sinasabi nitong nakatanggap ng naturang pondo.
“If it will take for them to produce these people, if the impeachment court will allow this, may rules naman na pinag-uusapan dyan, siguro we will have to wait and see kung ano yung kanilang gagawin dyan,” ani Barbers.
“The next step is to justify nila kung saan napunta ‘yung pondo. Kaya nga, that’s the reason why perhaps I can, in my opinion, the burden of evidence shifted to them,” dagdag ng former Surigao del Norte congressman at governor.
Sa nakitang irregularities at incomplete supporting records sa liquidation documents na isinumite ng OVP at DepEd sa COA, sinabi ni Barbers na hindi sapat ang nasa higit 800 acknowledgement receipts (ARs) para mapatunayan kung saan ginamit ang kontrobersyal na pondo.
“In other words, sila ay nagsubmit lamang ng mga papel na sinasabing acknowledgement receipts na nakatanggap ang mga tao ng pera mula sa ating pangalawang pangulo. But nothing more than that…because hindi yan enough o hindi ‘yan sakto para ma-prove na ginamit sa tama itong mga pondo ng bayan na ito,” saad pa ng former Mindanaoan lawmaker.
“At hindi pwedeng para i-justify mo lang ito, magsusulat ka lang ng mga pangalan dyan. Na tinanggap ni Pedro ay ganito, tinanggap ni Juan ay ganito, tinanggap ni Mickey Mouse ay ganito,” ani Barbers.
Maging ang pagdedeklara ng OVP na bahagi ng confidential funds ay ibinili ng tables, chairs, at groceries ay hindi umano katanggap-tanggap at taliwas sa panuntunan sa paggastos ng nasabing pondo.
“Hindi naman inaallow ang paggamit ng pondong ito para bumili ka ng lamesa, punta ka sa grocery, mag-grocery ka, all these things. Kaya nga, nakalista doon sa joint circular na ‘yan na kapag confidential and intelligence funds, ito lang ‘yung allowable expenses or expense items that you can use this money on,” paliwanag ni Barbers.
“Meron talagang allowable items lang. Kasi nga, ang objective is to get information, intelligence information that can be used by our law enforcement agents.”
