ISANG dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang nagpahayag ng kahandaan tumestigo sa International Criminal court (ICC) laban kay former President Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.

“Alam n’yo, meron akong kausap, ito sabihin ko na, ngayon ko lang nga sabihin ito, ako’y nagpunta ng New Zealand several months ago, meron akong kausap na pulis doon sa New Zealand, nag-AWOL, meron siyang mga ebidensya,” wika ni House Committee on Human Rights Chairman at Manila rep. Benny Abante.

“Ebidensya ito na, gusto ng kanyang commander na pumatay siya, pumatay ng drug addict, pumatay ng drug pusher. Ayaw niya, ayaw niya dahil siya ay Bible believer, ayaw niya mangyari ’yan, pero dala po niya lahat ng mga ebidensya tungkol diyan,” dugtong ng kongresista.

Nang tanungin sa pagkakakilanlan ng aniya’y nais tumestigo, tumanggi na si Abante pangalanan ang former PNP officer na aniyang nagsilbing commander sa panahon ni Duterte.

Ayon kay Abante, sa halip na sundin ang utos na pagpatay sa drug addict o drug pusher, nagpasya ang ex-police officer na mag-AWOL sa serbisyo at lumabas na lamang ng bansa.

“Anong ginawa niya? Umalis na lamang siya imbis na siya ay namatay dito, ’yun ang sabi niya sa akin. Ang sabi ko sa kanya, handa ka ba, handa ka bang tumestigo diyan?,” anang Manila solon.

“Of course, sabi niya, ‘Naku, gusto ko nang maging tahimik ang buhay ko.’ At least nakawala siya sa bingit ng kamatayan na maaaring maranasan niya kung siya’y nandirito, at ang sabi niya sa akin, meron pang ilang mga pulis na umalis dahil diyan.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *