HINDI sineseryoso ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ang kautusan ng Commission on Audit (COA) na ayusin ang liquidation report sa P612.5 million confidential funds na sinimot ng pangalawang pangulo.
Ayon kay House trial spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers, mula taong 2022 hanggang sa kasalukuyan, hindi man lang nagpakita ng sinseridad ang dalawang tanggapan ni Vice President Sara Duterte na plantsahin ang mga sabit sa COA.
“Since 2022, it seems that wala pa rin sincere effort to liquidate. Kasi 2026 na ngayon. Until now, sa aking paniwala, no single piece of liquidation na sinubmit nila, eh acceptable per the Joint Circular,” wika ng dating Surigao del Norte congressman.
Ginawa ni Barbers ang pahayag matapos ang pagharap ni State Auditor Roderick Wamil sa Senate Impeachment Court kung saan idinetalye ang mga nakitang butas sa paggasta sa nasabing pondo.
Kabilang sa mga inilahad ni Wamil ang unsupported reward payments, non-allowable expenditures, kawalan ng documentary proof of payments at iba pang nagtulak sa COA na isyuhan ng audit observation memoranda (AOM) ang OVP at DepEd.
“Kaya nga nagkaroon ng red flags, kaya nga nagkaroon ng audit observation memoranda, kaya nagkaroon ng notices of disallowance, kasi lahat ng na-submit for the last four years ay hindi acceptable and in accordance with the Joint Circular,” diin ng mambabatas.
“Dalawang AOMs ang na-issue and until the second AOM, no compliance was received,” dugtong ni Barbers.
Partikular na pinuna ni Barbers ang paggamit ng “fictitious recipients” sa isinumiteng acknowledgement receipts ng OVP at DepEd.
“Kung meron talagang recipient yung confidential and intelligence funds na yan, ang tanong lang lagi na namumuo sa isipan ng ating mga kababayan ay bakit acknowledgment receipts?”
“Kung merong mga tao na gumamit ng ibang pangalan pero nakatanggap ng pondo, eh meron pong kaakibat na report ’yan na dapat isinasubmit in a sealed envelope. Doon natin makikita kung naging successful ba ’yung intelligence and surveillance gathering nila kasi gumamit tayo ng pondo ng bayan eh,” pahabol ni Barbers.
