HINDI bababa sa 12 indibidwal ang kumpirmadong nasawi bunsod ng perwisyong dulot ng Habagat sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Bukod sa 12 binawian ng buhay, nakapagtala rin ang Office of Civil Defense (OCD) ng walo kataong nawawala, at 11 pang dinala sa pagamutan bunsod ng pinsala sa katawan.
Ayon kay Junie Castillo na tumatayong tagapagsalita ng OCD, karamihan sa mga namatay ay mula sa rehiyon ng Cordillera at Calabarzon, habang ang walong indibidwal na nawawala ay naitala naman sa Cordillera, Ilocos at Batangas.
Samantala, pinakamarami naman aniya ang apektado ng kalamidad sa Central Luzon gayundin sa Ilocandia, Mimaropa, Calabarzon at Cordillera.
Tiniyak naman ng OCD at patuloy na pagtugon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa mga lalawigang patuloy na dumaranas ng bagsik ng Habagat.
Bilang patunay, ibina ni Castillo ang search-and-rescue at retrieval team na patuloy na nagsasagawa ng clearing operations, habang nakaantabay naman umano ang logistics at air assets mula sa Armed Forces of the Philippines at Philippine Navy.
Kasado na rin ani Castillo ang deployment ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Base sa pinakahuling pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), patuloy na mararansan sa mabigat na buhos ng ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa Habagat.
