PORMAL nang sinampahan ng kaso sa Sandiganbayan ang isang kongresistang rumaraket bilang kontratista ng mga flood control projects sa nasasakupang distrito.
Sa isang kalatas, kinumpirma ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng graft charges (9 counts) laban kay Tarlac Rep. Noel Rivera matapos makitaan ng sapat na ebidensya.
Makailang ulit nang itinanggi ni Rivera ang paratang na siya mismo ang kontratista ng mga proyekto kontra baha sa nasasakupang distrito sa Tarlac.
Aniya, wala siyang kinalaman sa umano’y irregularidad kasabay ng giit na malinis ang kanyang konsensya at handa harapin anumang kaso sa hukuman.
Samantala, wala pa rin kasong isinampa ang Ombudsman laban kay Construction Workers Solidarity (CWS) partylist Rep. Edwin Gardiola na tinaguriang pinakamalaking “kong-traktor” sa Kamara.
