ISANG buwan bago pa man takdang araw ng kauna-unahang parliamentary election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) ang isang mapayapa at malinis na halalan.
Sa isang kalatas, ibinahagi ni Comelec chairman George Erwin Garcia ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging sa Philippine Coast Guard (PCG) para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa rehiyon.
Nakatakda ang kauna-unahang BARMM parliamentary election sa Setyembre 14, 2026.
Ayon kay Garcia, hindi bababa sa 11,000 unipormadong pulis, sundalo at bantay-dagat ang makakatuwang ng Comelec sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pagdaraos ng halalan.
Kasalukuyang umiiral ang election gun ban sa mga lokalidad na sakop ng BARMM — 165 checkpoints sa 105 munisipalidad sa rehiyon.
Garantiya ni Garcia, tuloy ang halalan, maliban na lang kung maglalabas ng restraining order ang Korte Suprema.
