TIMBOG sa mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang tatlo sa limang Chinese nationals na nasa likod ng pagdukot sa kapwa Tsino sa Angeles City, Pampanga.
Batay sa CCTV footage na ibinahagi ng PNP, sakay ng itim na SUV ang hindi pinangalanang biktima nang harangin ng mga puting van sa parking area ng isang establisyemento. Ilang saglit pa, bumaba mula sa van ang limang armadong lalaki, tinutukan at pwersahang hinatak ang biktimang agad na sinakay sa van.
“Inabangan nila… nung paalis na yung itim na SUV na sinakyan ng victim, isa sa mga suspek ay nakasuot ng camouflage ang bumaba. Nanutok agad ng baril,” kwento ni Central Luzon police director Brig. Gen. Jessie Mendez.
“Kung titignan mo yung galawan nila, napakabilis. Very swift yung ginawa nilang pagkuha. At yung modus sila, makikita mo, isinalin sa ibang sasakyan, inikot-ikot, then siyempre na-ready na nila yung safe house, kung saan nila dadalhin. Chinese to Chinese ang nangyari. So ang puntirya nila is Chinese,” dugtong ng heneral.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakatakas umano ang biktimang ikinulong sa isang safehouse sa Mabalacat, Pampanga. Nang makapuslit, agad umano siyang naispatan ng mga pulis.
Sa isinagawang follow-up operation kinabukasan, nadakip ang tatlo sa limang miyembro ng kidnap-for-ransom group sa Tarlac City. damay rin ang isang Pinay na sinasabing umarkila ng ginamit na van sa krimen.
Base sa imbestigasyon, lumalabas na siyam na araw pa lang sa Pilipinas ang biktimang dumalaw lang sa isang kamag-anak na nasa bansa.
Ayon pa kay Mendez, P60 milyon ang hinihinging ransom ng mga suspek.
