TUNGKULIN ng bawat mamamayan makialam sa anumang usapin makakaapekto sa sambayanan — higit lalo sa talakayan bago pa man pagtibayin ang isang batas.
Ito ang giit ni House Speaker Faustino Dy III sa isang mensahe kasabay ng paglulunsad ng LegisHear program sa Caraga State University Butuan City kamakailan.
“Mga kababayan, naniniwala po tayo na ang bawat makabuluhang batas ay nagsisimula sa isang importanteng tinig—ang tinig ng sambayanang Pilipino,” wika ni Speaker Dy sa kanyang video message.
Ayon sa House Speaker, ang LegisHear ay isang nationwide consultation program na katuparan sa adhikain ng Kamara na magkaroon ng mas malawak at bukas na people-centered Congress sa ilalim ng tinaguriang “Bagong Kongreso.”
“Ito po ang layunin ng LegisHear. Nais po naming ilapit ang Kongreso sa ating mga kababayan. Amin pong bibisitahin ang iba’t ibang panig ng bansa upang makinig, makipag-usap, at mapulsuhan ang tunay na kalagayan ng ating mga kababayan.”
Pinangunahan nina House Secretary General Atty. Cheloy Garafil at Butuan City lone district Rep. Joboy Aquino III ang talakayan sa ginanap na programa.
Kabilang sa mga tinalakay ang nilalaman ng House Bill 4744 ( Basic Education Voucher Assistance Act), at ang House Bill 8470 na nagnanayon itaas ang antas ng Butuan Medical Center bilang Butuan General Hospital.
Sa Butuan leg LegisHear, nagkaroon din ng orientation kung paano ang proseso sa paglikha ng mga batas at talakayan tungkol sa House Bill 9305 (KALINGA Bill), konsultasyon, dayalogo at serbisyo publiko.
“Ito po ang aming paraan ng pagbuo ng isang Bagong Kongreso—hindi lamang bagong pamunuan o mga bagong programa, kundi isang Kongresong may bagong pamantayan ng paglilingkod: mas bukas, may integridad, may malasakit, at naniniwalang ang pinakamahusay na mga batas ay nabubuo kasama ang mamamayan,” pangwakas na pahayag ng lider ng Kamara.
