MALAKING bentahe para sa mga maralitang pamilya ang pagnanais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. buksan sa sambayanan pagkakataon magkaroon ng sariling solar energy system.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Abra lone district Rep. JB Bernos ang panawagan ng Pangulo sa Kongreso na gawing prayoridad ang pagsasabatas ng Sariling Kuryente Act.
Ayon kay Bernos, na pangunahing nagsusulong sa Kamara na gawing mandatory sa lahat ng government building ang pagkakaroon ng solar energy, marapat lang suportahan ng Kongreso ang hiling ng Pangulo.
“I wholeheartedly support the President’s call. Matagal na nating sinasabi na kailangang mabawasan ang pag-depende natin sa non-renewable energy sources at gumamit ng mga renewable energy sources na marami sa atin, gaya ng solar,” pahayag ng Abra lawmaker.
Ayon kay Bernos, dapat lang gawing simple ang proseso sa solar panel installation sa mga kabahayan upang mapakinabangan ng mga consumer ang solar technology at iba pang renewable energy sources.
“If we are to mainstream the use of renewable energy in the country, we have to simplify the processes that allow for their utilization to encourage consumers. People are already willing to explore solar energy because of the high cost of electricity and affordable options being made available, but are discouraged by tedious and complex permit requirements and long approval timelines,” dugtong ng kongresista.
Sa ilalim ng Renewable Energy Act of 2008, ang mga consumer ay maaaring magpalagay ng renewable energy system na kay kapasidad na 100 kilowatts sa ilalim mh net metering program, kung saan maaaring kumita pa ang pangkaraniwang pamilya sa labis sa pangangailangan ng tahanan sa anyo ng “bill credits.”
Nakasaad din sa naturang batas na ang private households na may solar panels ay kailangan lang magparehistro sa lokal na pamahalaan at abisuhan ang distribution utility na papasahan ng sobrang kuryente sa power grid para sa public distribution
Si Bernos ang principal author ng House Bill 3126, o ang On-Grid Solar Energy Systems bill, na nag-aatas sa lahat ng national and local government-owned buildings at offices na magkaroon ng on-grid solar energy systems.
Sa pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ni Marcos, nanawagan ang Pangulo sa Kongreso na agarang ipasa ang Sariling Kuryente Act para gawing simple, madali at abot-kaya ang paglalagay ng solar panels at battery storage systems para sa lahat.
