HINDI nakapagpigil si counsel for the House prosecutors Atty. Lorna Kapunan na soplahin ang abogado ni Vice President Sara Duterte sa ginawang cross examination kay COA supervising auditor Xylene Mae Del Campo. Sa pag-uusisa sa COA officer, iprinisinta ni defense counsel Atty. Kristine Ferrer ang Protective Intelligence Operations Reports (PIORs) na isinumite ng Office of the Vice President (OVP) bilang tugon sa Audit Observation Memorandums (OAM) na inisyu ng Commission on Audit matapos punahin umano’y irregularidad sa paggamit ng milyon-milyong confidential funds ng tanggapan ni Duterte para sa unang tatlong bahagi ng 2023. Tinanong ni Ferrer si del Campo hinggil sa inilistang mga aktibidad ng OVP na kabilang ang “coordination with police and military intelligence operatives, threat assessment, surveillance of venues, profiling of participants, and deployment of informants along the Vice President’s routes.” “Tingnan natin isa-isa kung ito ba talagang intelligence work o hindi,” anang tagapagtanggol sa impeachment court ng bise presidente. Sagot ni Del Campo, ang mga nasabing aktibidad ay maaaring ituring bilang intelligence gathering, surveillance, o confidential work — argumentong agad na kinontra ni Kapunan, kasabay ng giit na ang isyu ay confidential funds at hindi intelligence fund “We are not talking about intelligence funds. We’re talking about confidential funds. All the questions referred to intelligence funds, when the topic today is confidential funds,” punto ng lady court litigator. Giit ni Kapunan, mahalagang panindigan ang pagkakaiba ng dalawa sa kabila nang pagsasabi ng prosecution witnesss na ang mga inilistang gawain ng OVP ay bahagi ng surveillance work, hindi naman nito naresolba ang usapin hinggil sa dapat paggamit ng kontrobersyal na pondo. Nanindigan naman ni del Campo na ang dokumentong isinumite ng OVP ay hindi sapat ang PIOR kung kaya hindi pa rin pinahintulutan ng COA ang paggamit sa bahagi ng confidential funds bilang pambayad sa nakalap na impormasyon. “Hindi po sufficient iyong PIOR and certification na evidence na nagpapakita ng success ng information gathering,” saad pa ng state auditor. Sa kabila nito, muling inilatag ng depensa ang argumentong napigilan sa tulong ng surveillance ang isang hindi magandang pangyayari. “I am preventing myself from giving her a spanking, Your Honor,” pabirong sambit ni Kapunan. Agad namang namagitan si Presiding Officer Francis Escudero at nagbigay paalala na bilang Bar members ay patas ang pagtrato ng impeachment court sa dalawang panig at pinigilan si Kapunan. “I promise to henceforth behave,” tugon ni Kapunan. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Dayunyor nabukulan sa itinagong pork barrel?