ANG kaunlaran ng isang bansa ay hindi kailanman maitataguyod kung walang pagkakaisa sa pagitan ng pamahalaan at sambayanan.

Ito ang buod ng mensahe ni House Speaker Faustino Dy III sa paggunita ng National Heroes’ Day, kasabay ng panawagan sa bawat Pilipino na kumilos nang may malasakit, paninindigan, at pagmamahal sa bayan.

Para kay Dy, hindi sapat ang bulaklak o magarbong seremonya para bigyang parangal ang mga sakripisyo ng mga bayani. 

“Dahil ang isang mas maunlad at matatag na Pilipinas ay hindi lamang itinatayo ng mga lider. Itinatayo ito ng bawat Pilipinong may malasakit at paninindigan,” wika ng lider ng Kamara sa isang video message.

“Ngayong National Heroes Day, alalahanin natin ang mga bayani ng ating nakaraan at higit sa lahat mahalin natin ang ating bayan at kapwa upang lalo pang pagtibayin ang Pilipinas na kanilang ipinaglaban,” dugtong ni Dy.

Ayon kay Speaker Dy, ang National Heroes’ Day ay dapat magsilbing paalala sa responsibilidad ng kasalukuyang henerasyon — “Ang National Heroes Day ay hindi lamang araw ng paggunita. Ito ay araw ng pagpapaalala kung sino tayo bilang mga Pilipino.” 

“Ang ating mga bayani ay nag-iwan sa atin ng isang mahalagang pamana: ang paniniwalang may mga bagay na higit na mahalaga kaysa sa sarili—ang bayan, ang kapwa, at ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.” 

Ani Dy, ang nakaatang ngayon sa kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino ang tungkuling ipagpatuloy ang naturang pamana.

“Sa isang panahon na mabilis magbago ang mundo, kailangan nating bumalik sa mga pagpapahalagang hindi dapat magbago: katapatan sa salita at gawa, paggalang sa kapwa, malasakit sa nangangailangan, tapang na panindigan ang tama, at pagmamahal sa bayan.” 

“Ito ang tunay na mukha ng kabayanihan sa ating panahon.” 

“Hindi kailangan maging tanyag upang maging bayani. Hindi kailangan gumawa ng pambihira upang makapag lingkod. Kailangan lang natin piliing maging mabuting Pilipino—araw-araw, sa bawat pagkakataon.” 

By ..

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *