PARA sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), malaking tulong sa kampanya kontra manggagantso ang Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), na akda ni Senador Mark Villar.

Sa kahilingan na rin ni Villar, na tumatayong chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, partikular na tinukoy ng BSP ang paghina ng modus sa likod ng online scams at financial fraud.

Sa briefing na pinangasiwaan ng Senate Committee on Finance kaugnay ng panukalang national budget, iginiit ni Villar na hindi dapat “ningas cogon’ ang implementasyon ng AFASA, kasabay ng kahilingan sa BSP — ang pagsusumite ng ulat sa pagpapatupad ng batas kontra online manloloko.

“Bilang principal author at sponsor ng AFASA, nais nating malaman kung paano nakatulong ang batas sa pagpapatibay ng enforcement laban sa online scams at kung mas marami na ba tayong nahuhuli at napapanagot na scammers,” ani Villar.

Ayon kay BSP General Counsel Roberto Figueroa, malaki ang naitulong ng AFASA sa pagpapalakas ng kakayahan ng BSP na sugpuin ang scams at fraud, partikular sa pamamagitan ng Consumer Account Protection Office (CAPO), na itinatag alinsunod sa batas.

Kabilang sa mga positibong resulta ng AFASA ang 527 kasong naitala ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group noong 2025. Sa nasabing bilang, 447 kaso na ang nalutas na. Naitala rin ng mga awtoridad ang pagbaba ng mga insidente ng online scam sa unang anim na buwan ng 2026, na bahagyang iniuugnay sa lumalawak na kaalaman ng publiko tungkol sa iba’t ibang mapanlinlang na gawain.

Binanggit din ni Figueroa ang pagdakip ng National Bureau of Investigation noong Disyembre 2024 sa pitong Chinese nationals na umano’y sangkot sa isang online scamming operation sa Parañaque City. Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa mga suspek ang social engineering schemes na may karampatang parusa alinsunod sa AFASA.

Ayon kay Figueroa, lumagda rin ang CAPO sa mga kasunduan sa pagpapalitan ng impormasyon kasama ang Securities and Exchange Commission, Cybercrime Investigation and Coordinating Center, Department of Justice, at iba pang law enforcement agencies upang palakasin ang mga imbestigasyon at pagbuo ng mga kaso laban sa mga financial fraudster.

Binigyan din ng AFASA ang BSP ng karagdagang kapangyarihang suriin ang mga financial account na pinaghihinalaang ginagamit sa scams at fraud nang hindi na kinakailangang kumuha muna ng court order. 

Maaari rin ibahagi sa mga law enforcement agency ang nakalap na impormasyon upang matunton ang mga ninakaw na pondo, mapanagot ang mga scammer, at mapataas ang posibilidad na mabawi ng mga biktima ang kanilang pera.

“Malinaw sa mga datos na may konkretong resulta ang AFASA. Mas napapalakas nito ang imbestigasyon at paghahain ng mga kaso, habang mas tumataas ang posibilidad na mabawi ng mga biktima ang perang nawala sa kanila,” ani Villar.

“Nakakatuwang makita na mas marami nang scammers ang natutukoy at napapanagot dahil sa AFASA. Makakaasa ang BSP at iba pang ahensya na handang tumulong ang Senado kung kinakailangan pang palakasin ang ating mga batas upang higit na protektahan ang publiko laban sa mga financial scam,” pagtatapos ng senador.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *