KUMBINSIDO ang prosekusyon na hindi panghihimasukan ng Korte Suprema ang inaasahang magiging desisyon ng Senate impeachment court hinggil sa voting threshold para masakdal si Vice President Sara Duterte. Para kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na tumatayong tagapagsalita ng House prosecution panel, anuman ang maging kapasyahan ng Senado ay pinal na at hindi na maaaring i-apela o ipabusisi pa sa high tribunal. “Ang desisyon ng Senado ay supreme pagdating po doon. Hindi po ito appealable, hindi po siya subject for review ng Supreme Court dahil ‘yun na po iyong final na magiging decision kung ano man ‘yung verdict ng Senado,” pahayag ni Alonto Adiong. Ayon sa ranking House official, malinaw sa naging posisyon ng tatlong former Supreme Court (SC) chief justices, na humarap sa impeachment court bilang amici curiae, na ang mga senator-judges ang may kapangyarihan para tukuyin kung ano ang kanilang conviction threshold. “Very clear naman po doon sa sinabi ng mga naging amici curiae na pagdating po sa desisyon sa impeachment cases ang may eksklusibong makapangyarihan ang Senado,” giit ng Lanao del Sur lawmaker. Kinatigan naman ito ni House prosecution panel member at Manila Rep. Joel Chua at ipinahayag na “maliwanag ‘yung sinabi ng lahat ng mahistrado kahapon na ang discretion whether to fix the threshold to 16 or ibababa ito ay nasa kamay ng Senado.” “At maliwanag na sinasabi ng ating mahistrado rin na ang Senate na naghi-hear ngayon ang may exclusive power at jurisdiction para mag-try at mag-decide. At gumawa ng kanilang sariling rules. So kasama na dito yung pagbaba ng threshold. At sa kanilang paniniwala, itong pagbaba ay nasa kamay ng mga senator-judges,” dagdag niya. Paalala ni Chua, ang Senado ang siyang may exclusive power at jurisdiction na magsagawa ng paglilitis at magpasya sa isang impeachment case gayundin ang bumuo ng sarili nitong panuntunan kabilang ang isyu ng voting threshold. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Local emergency dapat isama sa Unified 911 hotline – solon Mayor Baste target talupan sa kontrata ng GenCorp sa Davao