HINDI pa rin isinusuko ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. ang panawagan para kay Vice President Sara Duterte na personal na humarap sa Senate impeachment court at direktang sagutin ang mga kinakaharap na kaso kabilang na ang pagpapaliwanag kung saan napunta ang P612.5 million confidential funds ng inilaan sa kanyang tanggapan. “Dapat mag-appear na siya,” wika ni Abante. “Wala pa po siyang sinasagot sa mga allegation. Siya lang ang makakasagot nito, hindi ang kanyang mga deputy,” dugtong ng mambabatas. Naniniwala si Abante na nais mismo ng sambayanang Pilipino na malaman kung totoo ang mga binibintang sa bise presidente at kung paano nagastos ang daang-daang milyong pondo. “Ang nais malaman ng taumbayan paano ginamit ng bise-presidente ang kanyang confidential fund?” Giit ni Abante, hindi pinipilit ng prosekusyon na mahatulan guilty si Duterte, sa halip ay ipakita sa publiko at senator-judges ang mga ebidensya na siyang dapat maging batayan sa paghahatol sa nasasakdal. “We want the truth to come out. We want accountability. We want transparency. We want fairness and justice in this impeachment court,” ayon pa sa ranking House official. Ipinunto ni Abante na ang confidential funds ay pag-aari ng taumbayan at marapat lamang na magpaliwanag ang opisyal na pinagkatiwalaan nito kung paano naubos. “Hindi po ’yan pera ng sinumang tao; hindi po ’yan pera ng bise presidente, at kinakailangan pong malaman ng taumbayan kung paano ginamit ang confidential fund na ito,” saad pa niya. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Diskarteng asunto para ibaba threshold, itinanggi ni Barbers Pagdakip kay Zaldy Co, teka muna — Remulla