KUNG pagbabatayan ang pananaw ng mga retiradong mahistrado ng Korte Suprema, higit pa sa pagpapasya ang mandato ng Senado sa usapin ng voting threshold at maging sa pagbibigay ng hatol sa pangalawang pangulo. Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Manila Rep. Benny Abante ang buod ng mensahe ng apat na retired Supreme Court Justices — magpasya base sa ebidensya at hindi sa kulay ng pulitika. Para naman kay former Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, mahalaga rin pagpasyahan ang magiging panuntunan sa pagboto ng senator-judges. “Malinaw na sinabi ng ating apat na mahistrado na dapat meron fairness doon sa desisyon, dapat merong just na desisyon…makatarungan na hukom o yung pag-decide,” wika ni Barbers na tumatayong prosecution impeachment adviser at spokesman. Ibinigay na halimbawa ni Barbers ang kaso ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na nagtatago mula sa kinakaharap na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC). Naniniwala ang former Mindanaoan congressman na kung papayagan makaboto, hindi makapagbibigay na patas na desisyon si dela Rosa dahil wala naman ang puganteng senador sa mismong paglilitis. “Halimbawa yung isang absentee na isang senator-judge, sabihin na lang natin halimbawa si Senator Bato dela Rosa at pagdating ng panahon na pagbobotohan ang articles of impeachment, whether to convict or to acquit the Vice President, halimbawa sa kanyang boto ay for conviction, fair ba yan mag-render ng desisyon… na hindi niya nakita, hindi niya nasuri, hindi niya nadinig itong mga ebidensya?” “Para sa akin mukhang hindi fair yan. Ganun din naman halimbawa kung ang kanyang boto ay acquittal, it works both ways. Kung acquittal naman ang kanyang boto, fair ba yan na hindi mo nakita, nadinig at nasuri ang mga ebidensya and yet gagawa ka ng desisyon? Ano to base sa iyong haka-haka?” ani Barbers. “So, yan ang sinasabi ng ating mga miyembro ng former member ng Supreme Court. When you base your decision, base it on fairness and justice.” Ganito rin ang paniwala ni Abante, na ang senator-judges na hindi naman nakadadalo ng paglilitis ay hindi makapagbibigay ng patas at makatarungang hatol sa bise presidente. “Pwede ba na sila with fairness and justice makatarungan po ba na bumoto rin ang isang senador-judge na walang alam sa nangyayari? Yung ba’y makatarungan sa taong bayan? Sapagkat, naniniwala po ako na ang taong bayan po ang huhusga ng conviction na ito o acquittal na ito,” ani Abante. “Whether it be a political exercise, ito pa rin ang tanong dyan, is there fairness? Is there justice? So whether it be yan po ang conviction or acquittal, ang pinag-uusapan pa rin yan ganito, fair ba lahat ang nangyayari? Inappreciate ba ang mga ebidensya? O kaya naman talaga makatarungan ba ang nangyayaring ito?” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Pagdakip kay Zaldy Co, teka muna — Remulla Kaligtasan sa mga paaralan, pagtutuunan ng Kamara