Ni Edwin Moreano
MALAMANG sa malamang totoo ang pakilala ni ‘Bigboy’ na siya ang may hawak ng koleksyon ng Special Operation Unit ng CIDG-Crame at Laguna PNP Provincial Office.
Alam po kaya ito ni Col. Harold Depositar, ang PNP director ng Laguna Police Office?
Ayon po sa insider ng Kalawit, si Bigboy ang salot na kolektor sa lahat ng illegal na sugal sa lalawigan ng Laguna tulad ng mga bookies operator, STL-con jueteng, paihi, cara y cruz at saklaan.
Bitbit nito ang pangalan ni PD Depositar at SOU ng CIDG at Provincial Officer ng CIDG-Cabuyao.
Ayon sa insider, kabilang ang mga pangalang ito sa talaan ng illegal operator sa lalawigan na sina Timmy, may hawak ng bookies sa bayan ng Bae, Nagcarlan, Liliw, Alaminos at Rizal.
Isa namang ex-mayor Echo na alyas Edwin R. sa lungsod ng Cabuyao ang illegal operator na kinakaladkad pa ang pangalan ng PD ng Laguna na kanya daw pong kumpadre…totoo po ba? Isang konsehal naman na alyas Mangyan ang may hawak ng bookies sa Calamba, alyas BJ sa Sta. Rosa, alyas Maj. Ebura, Melody, Mayang at Toce sa bayan ng Biñan.
Ang tanong ng Kalawit, bakit tila tahimik at hindi ipinahuhuli ni Col. Depositar sa kanyang mga operatiba ang mga salot na illegal operator?
Totoo po kaya ang yabang ni Bigboy na siya ang katiwaldas at may hawak ng kaban ng Laguna PNP PPO?
Para sa kaalaman ni PMGen. Romeo Caramat Jr. Sir, kaladkad ni Bigboy at ipinangongolekta sa mga illegal na pasugalan ang Special Operation Unit ng CIDG-CRAME.
Sa timbre ng insider, sa San Pedro ay may koleksyon si Bigboy na P150k, Sta. Rosa P200k at P120k lahat po ay lingguhang payola na ikinokolekta ni Bigboy at CIDG District Cabuyao at CIDG Batangas.
Grabe!!!! pati si Laguna PNP Provincial Director Col. Harold Depositar ay ipinangangalandakan ng isang “Orlan” na illegista ng San Pablo. Sinasabi nito na kumpare niya ito at meron daw po siyang timbre na P200k sa kolektor ng Laguna PPO?
Habang sa CIDG ay P150k na lingguhang tara para daw po sa Crame na ang tumatayong kolektor ay isang alyas Echo?
Tama po ba ex-mayor Edwin R.?
Hindi nga po matitigil ang sangkaterbang saklaan, bookies, at pergalan sa lalawigan ng Laguna dahil sa proteksyon ng ilang tiwaling opisyal. Tulad nitong isang ex-mayor alyas Joel Coquen, ng Santa Maria Laguna, ginagasgas ang pangalan ni Laguna Gov. Ramil Hernandez.
Alam n’yo kung bakit? …… siya daw po ang bagman ng gobernador sa mga bookies at isang ‘Timmy’ ang operator ng bookies sa Los Baño na isa ring bagman.
Sa insider ng Kalawit sa governor’s office, itong sina Timmy at Joel ay may lingguhang parating sa CIDG Region at Crame na P100k at P150k sa ex-mayor na si alyas Echo.
Habang si ex-mayor alyas Echo at kapatid nito ay may talamak namang bookies sa Los Baños at ipinagmamalaki na kumpare daw nito ang PD ng Laguna kung saan tumatanggap ng P200k sa Laguna PPO?
Tumpak po pala ang reklamong ito ng ilang insider at Non-Government Organization (NGO) dahil totoong talamak ang illegal na sugalan sa Laguna.
Bukas, kakalawitin natin at ibubulgar ang buong pagkatao at kung sino itong si Bigboy.
Sa inyong reaksyon o opinyon text lang sa #0928-2112249
ABANGAN…..may karugtong…
