WALANG kamalay-malay si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Romeo Caramat na kinaladkad ng isang alyas Bigboy ang kanyang pinakakaingatang pangalan sa pangongolekta ng isang alyas Bigboy mula sa mga ilegalista sa mga lalawigan ng Quezon at Laguna.
Sumbong ng mga sanggang-Kalawit, ginagamit ni Bigboy ang pangalan ni Caramat sa kanyang bonggang ganansya. Pero teka, ginagamit nga lang ba ang pangalan ng heneral… o baka naman sadyang siya ang itinalaga para makapangolekta.
Sa aking pagsasaliksik, si Bigboy – kasama pa di umano ang anak na si Dodong – din pala ang tumatayong kolektor ng mga itinuturing na bida sa CIDG Batangas at CIDG Calamba sa lalawigan ng Laguna.
At heto pa, sa husay ng damuhong mag-ama sa pagsasampa ng kwarta, sila na rin pala ang gumagawa ng pera para sa CIDG – Special Operation Unit na nakabase sa Camp Crame.
Kanino nga ba nagmumula ang nalilikom na lingguhang payola ng damuhong mag-ama? Ayon sa ating sanggang-Kalawit, milyon-milyon ang lingguhang payolang kinokolekta ni alyas Bigboy mula kina Tisoy at Nonit na nakabase sa bayan ng Padre Garcia sa Batangas.
Pati ang sakla sa burol (mas kilala sa tawag na baklay), hindi pinalampas ng mag-amang Bigboy at Dodong na kapwa nagpapakilalang malapit na kamag-anak ni CIDG Calabarzon regional director Col. Jacinto Malinao. Nakupu… wag niyo dungisan ang magandang pangalan ni Col. Malinao!
But wait, there’s more – pati ang butihing Vice President Sara Duterte ipinagmamalaki ni Bigboy na ninang daw niya sa kasal.
Sa angking tikas ng mga taong kanyang ipinangangalandakan, hindi malayong mabilis ang kanyang pagyaman.
Samantala, nakatanggap rin tayo ng talaan ng mga illegal gambling operator sa Laguna, kabilang sina Timmy na may hawak ng bookies sa mga bayan ng Bae, Nagcarlan, Liliw, Alaminos at Rizal; isang ex-mayor Echo sa lungsod ng Cabuyao; isang konsehal na alyas Mangyan sa Calamba; alyas BJ ng Sta. Rosa; alyas Major Ebura, Melody, Mayang at Toce sa Biñan.
Pasok din sa talaan ng ilegalista ang sina alyas Boy Life ng Barangay Langkiwa at alyas Nesty ng BArangay Pateros na nasa likod na kabi-kabilang pergalan sa Biñan, Laguna.
Ang tanong– anyare Laguna provincial police director Col. Harold Depositar?
