GAMIT ang pangalan ni Batangas Gov. Toto Mandanas at Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda, isang alyas Jonathan Garote ang nag-uumapaw sa ganansya mula sa mga oil smugglers.
Sa impormasyong nakalap ng Kalawit, pati ang butihing Batangas Provincial Police Director Col. Samson Belmonte, kalakad din ni alyas Jonathan Garote sa walang humpay na pag-ikot sa mga iligasta sa lalawigan – mula sa mga smuggler ng petrolyo, hanggang sa mga illegal gambling operator.
Katunayan, milyon ang kinokolektang lingguhang payola ni Jonathan Garote mula sa big-time fuel smuggler na si Dondon Alahas na nasa likod ng pagpupuslit ng krudo sa Port of Batangas mula sa Russia at karatig bansang Malaysia.
Higit na kilala si Dondon Alahas bilang batang Cebu na nagsimulang mamayagpag noong itinalaga bilang Commissioner ng Bureau of Customs si Yogi Filemon Ruiz.
Sa kabila ng lantarang pangongolekta ng lingguhang payola ni Jonathan Garote, nakapagtatakang wala man lang hakbang ang mga pulis probinsya sa ilalim ng pamumuno ni Col. Belmonte.
Maging ang ang mga opisyales ng Batangas Port at alkalde ng Batangas City tila walang nakikita sa kanilang nasasakupang teritoryo.
Ang totoo, walang Batangenyong hindi nakakaalam ng diskarte ni Dondon Alahas sa Batangas City lalo pa’t garapalan ang pagdaong sa Port of Batangas ng mga oil tanker na may lulang smuggled fuel.
Ayon pa sa mga impormante ng Kalawit, apat na negosyanteng Intsik ang pirming nakaabang sa pagdaong ng smuggled diesel sa Port of Batangas.
Hindi rin problema ni Alahas at apat na kasabwat ang pagbiyahe ng mga pinuslit na petrolyo dahil may mga oil tanker trucks na nagdadala ng mga smuggled na krudo patungho naman sa Lucena City.
Mula sa Lucena, dadalhin naman ang smuggled na krudo sa isang imbakan sa Barangay Calansayan sa bayan ng San Jose na pinamumunuan ni Mayor Bien Patron.
But wait there’s more. Hindi rin naman pala swapang sa pera si Garote dahil may isang abogadong tubong Lemery ang kanyang binabahagian ng lingguhang ganansya.
Pero teka, hindi lang pala fuel smugglers ang ginagatasan ni Garote. Pati ang mga illegal gambling operators sa Batangas, walang kawala sa nagpapakilalang kolektor ni Gov Mandanas at Gen. Acorda.
Abangan ang talaan ng mga illegal gambling operator na nadenggoy ni Garote sa mga susunod na araw.