NI JAM NAVALES
KINASTIGO ng isang bagitong kongresista ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) bunsod ng ipinataw na 5% dagdag singil sa buwanang premium rate sa mga miyembro.
Paglalarawan ni AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee, malinaw na pagsasamantala ang asal ng ahensyang piniling magwangis investment company para makalikom ng malaking pondo.
Ayon kay Lee, taliwas sa mandato ang direksyon ng PhilHealth na makailang ulit na kinalampag ng Kongreso kaugnay ng panawagang 30% across-the-board increase sa lahat ng health benefits sa mga obrerong buwan-buwan kinakaltasan.
“Nalulungkot at nadidismaya po tayo na mukhang mauuna pang maipatupad ang dagdag na singil sa premium ng PhilHealth doon sa matagal na nating panawagan na 30% increase sa lahat ng benefit packages and coverage ng ahensya,” paglalahad pa ng Bicolano lawmaker.
“Habang pinatatagal ang pagpapatupad ng hinihingi nating increase, marami ang pinipiling tiisin na lang ang karamdaman kaysa magpagamot at marami din ang di-magkandaugaga sa pag-aalala kung saan kukuha ng pambayad sa ospital,” dagdag pa ng kongresista.
Noong nakaraang Biyernes, inihayag ng PhilHealth na mula sa kasalukuyang 4% ay magiging 5% na premium contribution ng mga miyembro sa hangaring lumikom ng P17-bilyong karagdagang koleksyon.
Bago pa man ipinatupad ang scheduled increase ng PhilHealth premium rates, walang tigil na iginigiit ni Lee mayroong sapat na pondo ang una para magpatupad ng kinakailangang dagdag o pagtataas sa members’ benefits nito.
Ito’y matapos na madiskubre ng AGRI partylist solon sa budget briefing ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act na ang PhilHealth ay mayroong P466 billion investible funds bukod pa sa naitalang P68.4 billion na net income.
“Anong pakinabang ng sobra-sobrang pondo sa PhilHealth kung natutulog lang ito sa bangko at hindi nagagamit pandagdag sa serbisyo para sa mga miyembro? Malaking kasalanan at inhustisya ito kung hindi agad gamitin para tulungan at pagaanin ang pasanin ng mga nangangailangan,” diin ni Lee.
“Dahil sa inflation, umaaray ang lahat sa nagtaasang presyo ng mga bilihin at serbisyo. For example, room rates in hospitals have increased—ang dating P1,000, nasa P1,500 na. At itong case rates o basehan kung gaano kalaki ang sinasagot ng PhilHealth sa mga bayarin sa pagpapagamot ng iba’t ibang sakit, 11 na taon na itong hindi nare-review kung angkop at sapat pa ba ang naitutulong. Malaking bagay kung maitataas natin ng 30% ang sinasagot ng PhilHealth in all packages and benefits,” sabi pa niya
Bukod dito, hiniling din ni Lee sa PhilHealth na magpatupad ng “NO LIMIT” sa dialysis sessions, chemotherapy, heart bypass surgery, at iba pang diagnostic tests at preventive measures nito upang maibsan ang hirap na pansan ng mga pasyente at pamilya ng mag ito.
“Winner Tayo Lahat kung ang PhilHealth ay hindi umaastang isang state investment company, at kung tutuparin nito ang mandatong maging maaasahan, may puso at may malasakit na health insurance provider,” mariing sabi pa ni Lee.
